Magandang Edukasyon, Karapatan ng Bawat Kabataan

jaycee.deleon's picture

 

“Magandang Edukasyon Karapatan ng Bawat Kabataan” - anonymous

Isang pahayag na aking nabasa sa isang gate ng eskwelahan sa daan pauwi ng Nueva Ecija. Kagyat na minuni ko ang pahayag na ito mangyaring likas sa akin ang bigyan ng kabuluhan ang mga bagay na walang kahulugan (sa simula).

Naisaisip ko tuloy, mayroon nga bang maganda o di-magandang edukasyon? Sa paanong paraan kaya nila nasabi na maganda o di-maganda ang edukasyon? Nasusukat ba ang maganda o di-maganda, sangayon sa istruktura at disensyo ng paaralan? Mababatid ba ng mga simpleng mamamayan ang maganda o di-magandang edukasyon depende sa taas o baba ng matrikula? Ayon sa suot na uniporme, kintab at gara ng sapatos? Mamahaling gadgets at cellphone? Mauunawaan ba ng mga mag-aaral na ang magandang edukasyon ay hindi lamang tumutukoy sa pribadong paaralan na lingid naman sa kaalaman ng mga nasa pampubliko? 

Ano nga ba ang sukatan ng MAGANDANG EDUKASYON? Anu-ano ang mga katangian ng isang EDUKASYON na maaring magbigay kahulugan kung ito nga ba ay MAGANDA o di-MAGANDA?

Sa aking pananaw, salig o labas man sa pinaniniwalaang pilosopiya ng iba. Ang edukasyon kailanman ay hindi nararapat na turingan ng maganda o di-maganda sapagkat kung susuriin ang salitang GANDA o (Ma)+GANDA, ito ay tumutukoy lamang sa pagkakaroon ng isang bagay o pagtataglay ng ganda o inam ng isang bagay. Malayo sa tunay na salitang mas tumpak na gamitin. 

Ang magandang edukasyon nga ba ay tumutukoy sa kalidad ng edukasyon? At kung papalitan ang maganda ng “Dekalidad na Edukasyon, Karapatan ng Bawat Kabataan” mas magiging mainam nga ba ito? Paano naman ngayon natin susukatin ang Kalidad ng Edukasyon na siyang sinasabing karapatan ng bawat kabataan?

Ang dekalidad bang edukasyon ay makukuha sa isang paaralang o institusyong  pribado at hindi pampubliko? May aircon at hindi electric fan? White Board at hindi blackboard? White board marker at hindi chalk? Projector at hindi Manila paper o pinaglumaang kalendaryo? Tablet/Electronic Book at hindi inaamag at kulang-kulang na pahina ng librong pangatlong henerasyon na ang nakagagamit? De-flush na palikuran at hindi pila-pilang de-tabo na mahaba pa sa pila ng relief goods at NFA Rice? Ito ba ang mga bagay na nararapat nating isaalang-alang upang matukoy at makilala ang isang paaralang makapagbibigay sa atin ng dekalidad na edukasyon?  Kung ito nga, masasabi ba natin na hindi maituturing na dekalidad ang edukasyon na matatamo natin sa tradisyunal na paraan ng pagtuturo kasama ng mga tradisyunal na gamit pangturo?

 Ang magandang edukasyon na maituturing na dekalidad sa aking pananaw ay yaong edukasyon na mas mainam na tawaging epektibo. Epektibo, hindi sa kadahilang ang edukasyong ito ay matatamo lamang sa mga pribadong paaralan; bagkus ay makakamit din sa mga pampublikong institusyon. Epektibo sapagkat ang mga guro, una sa lahat ay kapwa nagsipagtapos nang pagaaral sa pagka-guro. Lisensyado, maalam, aktibo, malikhain, positibo at inilalangkap ang puso sa bawat hakbang at kilos. 

Epektibo sapagkat ang pangunahing layon ng edukasyon ay gawing matatag ang bawat mag-aaral. Bawat indibidwal ay kayang maging epektibo at makabuluhang mamamayan. Matatag na makatatayo sa kani-kaniyang mga paa gamit ang kaalamang nakalap at naitanim sa kanila ng kanilang mga guro. Epektibong edukasyon na makapagbibigay sa kanila ng ibayong tiwala sa sarili at lakas ng loob. Epektibong edukasyon na magagamit nila sa loob at labas ng paaralan. Epektibong edukasyon na magagamit nilang sandata sa bawat pakikipaglaban na susuumin sa buhay. Epektibong edukasyon na magagamit nila upang buhayin ang kani-kaniyang pamilya. Epektibong edukasyon na siyang magiging susi upang makamit ang mga pangarap at mithiin. At higit sa lahat, epektibong edukasyon upang makamit ang tagumpay.

*Isinulat ni: Wilaiza Maris Cunanan Puno, CMS Area Coordinator for Nueva Ecija. Makikita rin ang akda sa: http://bbmaris.blogspot.com/2012/07/artikulo-blg-1-magandang-edukasyon.html